Hindi ako komportableng hinahagod ninuman ang aking katawan.
May touch issues kasi ako.
First time naming nagkayayaang magkakaibigan na pumunta sa isang massage parlor. Makikita mo ‘yun sa kahabaan ng Kamuning. Hindi ko na pangangalanan; iilan lang din naman kasi sila. Panigurado, nakita mo na yun. Kung napasok mo na, ‘yan ang ‘di ko alam.
Hindi ako sanay. Nakakailang. Wala rin naman kasi sa mga plano ko sa buhay ang itambad ang hubad kong katawan sa harap ng isang taong ni hindi ko man lang tiyak ang pagkakakilanlan. Sabi ko nga, sa labas na lang siguro ako; magpapaiwan. Hihintaying matapos ang anumang gagawin nilang kababalaghan.
‘Yun nga lang, nagpumilit pa rin sila. Libre na raw. Masubukan ko lang si Rainier, ang masahistang bukambibig ng sangkabaklaan. Bukambibig, literal.
Hanggang sa lumabas na nga siya sa aquarium. Umakyat kami sa ikalawang palapag ng massage parlor. Pumasok sa isang maliit at malamig na silid kung saan kurtina lamang ang nagsisilbing harang mula sa labas. Hinawi niya ito at bumulaga sa akin ang isang maliit na kutson, single, na nababalutan ng tela. Maswerte na yata akong dalawa ang unan sa kuwartong napili naming puwestuhan. Nangangamoy ang eucalyptus mula sa mga kandilang kanyang sinindihan. At sa sulok, naroo’t nakaluklok ang mga lalagyan ng lotion, powder, baby oil, at alcohol.
Pumasok ako sa loob ng silid na tulad ng isang maamong tupang takot lumabag sa pinag-uutos ng kanyang pastol.
Nagkalansingan ang mga barya at lumikha ng tunog ang buckle ng isang sinturon. At sa aking paglingon, hayun siya’t nahubad na ang kanina’y nakabalot pang saplot.
At saka niya sinabing ako naman daw.
Gusto kong mag-back out. Ito ang naglalaro sa aking isipan nang mga oras na iyon. Nais kong bumaba, lumabas, at marahil ay tuluyan nang umuwi sa bahay.
Pero iba ang ginawa ng masunuring tupa na ayaw maligaw ng landas. Dahan-dahan ko na ring hinubad ang aking kasuotan. Inuna ko ang aking pantaas; tinatakpan ang dibdib na wari mo baga’y naglulusugan sa pangambang baka masilipan. Kaunting pilit pa at inalis ko na rin ang maong na pambaba. Hanggang sa tanging ang brief na lang ang kapirasong telang bumabalot sa aking katawan.
Hanggang dun na lang ang kaya kong ipaubaya. Kalabisan nang hilingin pa niyang ito ay mawala.
At saka niya hiniling na ako’y dumapa.
Lotion.
Mga daliri’y dahan-dahang dumidikit sa balat na nanlalagkit sanhi ng malapot na likidong kanyang ipinahid. Nakukuryente ang bawat kong balahibong nakikisabay sa pag-indayog ng mga palad niyang humahagod sa pagal kong katawan. Pataas at pababa. Madiin ngunit marahan. Namimihasa ang kanyang mga daliri sa ginagawang paghaplos sa bawat sulok, umbok, at kurba ng aking pagkatao. Matalik na pagniniig, balat sa balat; nagdadala ng init sa kabila ng malamig na paligid. Nilalamutak sa pagpisil ang aking kabuuan, nagpapadaloy ng dugo sa bawat ugat at bumubuhay sa aking laman. Sinasalat ng bawat niyang paggalaw ang aking kaselanan na siyang nagpapahiwatig na simula pa lamang ng isang makahulugang pag-iisang katawan.
Sandali pa at pilit na niyang nilililis ang kapiranggot na saplot na siyang naghihiwalay sa panaginip at katotohanan.
Ito na marahil ang hudyat.
Tumayo ako. Dinampot ang mga kasuotan. At sinabing: saka na, sa susunod na lang.
